Sunday, 26 August 2012

How To Move On


I wrote this last August 20, 2012.

Minsan naiisip ko parin, ano nga bang meron ka at hanggang ngayon di ka mawala wala sa sistema ko. Ordinayo ka lang naman. Tipikal. Ikaw yung tipong madali lang matagpuan sa kung saan lugar. Pero ewan ko ba kung bakit kakaiba ang tama ko sayo. Di kaya ginayuma mo nga ako noon tulad ng biruan natin dati?

Matagal na rin akong di nakaka pag sulat ng mahaba haba. Tagalog man o ingles. May punto man o wala. Parang nanamlay ako sa ganitong gawain. Dahil biased ang magiging dating dahil malamang sa malamang, ikaw ang magiging bida sa bawat akdang tulad nito.

Hinihintay ko lang naman yung ni-rerender kong model sa Vray. Nag papatay lang ako ng oras. Alas dose y singko na pala. Tama ba spell ko? Sa mga ganitong pag kakataon tuloy mas malayang lumilipad ang imahinasyon ko. Naiisip ko parati kung sa mga ganitong oras gising ka pa kaya? Naaalala mo pa kaya ako? Kasi ako oo. Gabi gabi. Araw araw. Ilang beses ko mang paulit ulitin sa sarili kong tapos na, tama na, wala. Matigas ang ulo ko. Pipikit parin akong tulad ng dati. Kunway nararamdaman ang presensya mo. Minsan maiisip ko pang hinahalikan mo ako’t hinahawakan ng tulad ng dati. Nung mga panahong akala ko ako lang ang iniibig mo. Maaaring pag papantasya ang tawag doon. Pero sa pananaw ko hindi.

Kung ano anong paraan na ang sinubukan ko para makalimutan ka. Andyan yung isumpa ka, magalit sayo at isiping gaganti ang karma sayo ng mas higit pa sa pag papasakit mo sakin. Andyan ding sinubukan kong lumabas o mag entertain ng ibang lalaki. Tumingin, mag hanap at manalanging sana may dumating ng bagong pag ibig sakin ng makawala na ko sa alaala mo. Meron din reverse psychology, tipong hahayaan ko lang ang sarili kong nakakausap ka parin. Itetext ka lalo at sasagutin parin ang bawat tawag mo ng kusa akong makaramdam ng pananawa sayo. Pero lahat ng paraang yun lagpak. Wa kwenta. Lahat ng yun di na katulong. Bumabalik parin ako sa realidad na ikaw parin ang mahal ko. Ikaw lang ang mahal ko at tangina, mas lalo pa yata minamahal.







Maraming taong nag sasabing bitter raw ako. Napapangiti nalang ako ng mapakla. Tatawa ng sarkastiko at bubulong sa sarili kong wala silang alam kaya wag rin silang makialam. Pero iilang tao lang ang nag kakalakas ng loob na itanong sakin kung bakit dadala dala ko parin lahat ng hinanakit dito sa puso ko. Syempre yung mga taong nag tatanong ng ganun, e obviously hindi ko mga kaclose. Tipong saktong kilala lang nila ko, nakakabatian, nakakangitian at minsang nakakwentuhan sa mga panahong na buburyo ako. At pag tinatanong nila ko ng ganun. Napapaisip rin ako, bakit nga ba? Aba! Akala ba nila sila lang ang nag tataka kung bakit hanggang ngayon hindi parin ako makausad? Madalas ko rin namang tanong yan sa sarili ko. Bakit kaya?

Sabi ng ilan, lift it up to the Lord and all your pains will vanish. That you’ll be healed. Alam ko yan. Nagawa ko na yan. Oh well, don’t get me wrong. Malakas ang kapit ko kay God. Madalas akong mag kwento Sakanya ng mga nangyayari at nararamdaman ko. Totoo naman yun. Pag sinasabi nila sakin yun. Tatango lang ako. Ginagawa ko naman. Hindi lang isa, dalawa, tatlo, apat, lima, di ko na mabilang. Basta sa mga oras na pakiramdam ko di ko na kaya, Sakanya lang naman ako tumatakbo at umiiyak. Pero minsan napapaisip parin ako kung hanggang kailan? Kung minsan kaya nag sasawa na sakin si Lord, at mapapabulong Sya ng nag rereklamo na naman ako sa lumang issue at mas maraming tao ang dapat Nyang unahin pakinggan kesa sakin.? Pero alam kong hindi ganun. Ilang beses na bang balik balik ako ng simbahan na luhaan at pag tapos kong mag dasal, magaan na ulit ang pakiramdam ko. Para akong lowbatt na cellphone na pag naubusan ng energy tatakbo Sakanya, mag c-charge saglit at ayan, ready to fight na naman. Okey na naman ako. Wala akong doubt sa faith ko kay Lord. Saksi Sya sa lahat ng pag hihirap na naramdaman at nararamdaman ko. Minsan nga lang di ko maiwasang itanong kung, Lord, hanggang kalian ako dapat umiyak mag isa, mag pumilit tumawa, at mag tapang tapangan sa harap ng iba kahit sobrang sakit na? Pag ganun, aabante na yung kabilang part ng utak ko at sasabihin, tiwala lang. Nalagpasan mo nga yung iba, eto pa kaya?

Nakakatawang nag tatanong ako ng nag tatanong sa iba at sa sarili ko, pero alam ko naman ang sagot. Alam kong ang bawat kasiyahan ay may sakit at ang bawat sakit ay may katapusan. Ang mundo ay bilog. Iikot yan. Tulad ng minsang homily ni Father, na ang buhay ng tao ay maiihahalintulad sa babaeng nanganganak. Yung sakit na dinadanas nya walang ang angkop na salitang makakapag paliwanag. Ganun katindi. Ganun kasakit. Pero pag once na lumabas na yung baby, tapos na ang pag hihirap. Sisilay na sakanya ang matamis na ngiti. Gagaan na ang pakiramdam nya. Mawawala na ang lahat ng sakit na naramdaman nya dahil sa panganganak, at mapapalitan ng pag kasabik dahil sa wakas, nanay na sya. Ganun din raw ang pag ikot ng buhay, lahat ng sakit ay matatapos. Tiwala lang. dahil para mas pahalagahan natin ang kasiyahan, dadaan tayo sa hirap at pighati. Walang makakapag sabi kung kailan matatapos, kung saan ang hangganan nito, pero one thing is for sure, gagaling din ang bawat sugat.

Iiyak parin ako, sigurado yan. Malulungkot parin ako sa mga pag kakataong makakasalubong ko sya. Masasaktan parin ako pag sumagi sa isip kong ibang tao ang sumusuyo at nag aalaga sakanya. Magagalit parin ako pag naalala ko ang lahat ng sakit na binigay nya sakin. Mararamdaman ko parin ang lahat ng iyon. Dapat lang. Dahil tao ako, normal, marunong mag mahal at nasasaktan. Pero mas magiging matapang ako sa mga darating na araw. Dahil alam ko sa sarili kong hindi ako mag isa. Maraming taong nag mamahal sakin. At may tamang taong nilaan sakin ang Diyos. Kailangan ko lang munang matutunang mahalin at pahalagahan ang sarili ko. Matatapos din ang lahat. Ngingiti rin ako ng wagas, mag mamahal ulit ako, at mag papatawad din ako, in God’s time. 

No comments:

Post a Comment